Sunday, August 11, 2013

Alamat ng Ulap, Lupa at Hangin

Alam mo ba kung bakit umuulan?

Nagsimula kasi 'yan noong unang panahon nang minahal ng ulap ang lupa.
Malayo ang pagitan nilang dalawa. Kaya't paminsan-minsan, nagnanakaw ng sandali ang ulap upang makasama ang lupa sa pamamagitan ng fog.

Ngunit hindi kuntento ang ulap dito kaya't inutusan niya ang hangin upang magbigay ng mensahe sa lupa.

Araw-araw, ganito ang kanyang ginagawa.

Ngunit lingid sa kaalaman ng ulap, nahulog na ang loob ng hangin sa lupa sapagkat mas madalas silang magkasama. Inakit ng hangin ang lupa at tuluyan naman din na minahal ng lupa ang hangin.

Matagal na itinago ng hangin at ng lupa ang kanilang relasyon.

Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Isang gabi nang bumaba ang ulap, nahuli nitong magkayakap ang hangin at ang lupa. Nagalit ang ulap at nagpasyang umakyat na muli sa langit.

Labis na nasaktan ang ulap. Hindi niya napigil ang kanyang damdamin at tuluyan nang umiyak.

Walang kapantay ang pagmamahal ng ulap sa lupa. Kaya kahit na alam nitong hindi na siya mamahalin pa ng lupa, patuloy pa rin niyang binibisita ito. Oo, labis ang pagmamahal ng ulap sa lupa. Kaya nga hanggang ngayo'y umiiyak pa rin siya tuwing naaalala niya ang kanyang nakita.




Mula sa mapaglarong imahinasyon ni: Danica Marie A. Arellano

No comments:

Post a Comment