Friday, August 23, 2013

Alamat ng Ampalaya

Noong unang panahon sa kaharian ng mga gulay, mayroon magkapatid na talong. Ang panganay ay si Talonglong at ang bunso naman ay si Talonggito. Sila ang mga prinsipe ng kaharian.

May gusto si Talonggito sa kanyang pinsan na si Okasta, isang okra. Sa tuwing may pangangailangan si Okasta, tinutulungan ito ni Talonggito upang maipahayag nito ang kanyang pagtingin sa dalaga. Gusto rin naman ni Okasta si Talonggito sapagkat napakabait, napakatalino at napakamatipuno ni Talonggito. Subalit, hindi sila maaaring mag-ibigan sapagkat sila nga ay magkadugo.

Isang hapon, nagtapat si Talonggito kay Okasta ng kanyang pag-ibig at niyaya niya itong magpakasal. Oo nga’t may pagtingin din si Okasta sa kanyang pinsan ngunit tumanggi siya sa alok ni Talonggito upang umiwas sa kahihiyan.

Labis na nasaktan si Talonggito sa mga nangyari kaya’t niyaya niya sa Talonglong upang samahan siyang tumakas sa palasyo at humanap ng isang dalaga na magmamahal sa kanya. Pumayag naman si Talonglong na samahan ang kanyang naghihinagpis na kapatid.

Lumuwas sila sa isang bayan na kung tawagin ay Kamalandia, isang lugar kung saan naninirahan ang lahi ng mga kamatis. Nabighani sila sa ganda ng lugar na ito at tila ba masaya ang lahat ng tao. Habang naglalakad ang dalawang prinsipe, nakabangga ni Talonglong ang isang kamatis na papasok sa paaralan. Tumilapon ang mga dalang libro ng kamatis at tila ba nataranta si Talonglong sa nangyari. Agad na pinulot ni Talonglong ang mga kagamitan ng kamatis ngunit hindi ito humingi ng paumanhin sapagkat si Talonglong ay ang epitome ng kasaamang asal, at hindi marunong tumanggap ng pagkakamali.

“Sa susunod, tumingin ka sa dinadaanan mo.” Sabi ni Talonglong sa kamatis.

Nagtaas ng kilay ang kamatis at sumagot, “Hoy! Ikaw ang tumingin sa dinadaanan mo! Nakalingon ka kasi sa tindahan ng mga alak kaya nabangga mo ako. Ako, na naglalakad sa tamang daanan!”

Tila ba nahiya si Talonggito sa inasal ng kanyang kapatid kaya naman humingi ito ng paumanhin sa kamatis. Humanga rin si Talonggito sa ipinamalas na katapangan ng kamatis na ‘yon sapagkat walang sinumang dalaga sa kanilang kaharian ang marunong lumaban; lahat ay parang mga tuta na sumusunod lamang sa kung anuman ang iutos o sabihin sa kanila.

Nang aalis na sana ang kamatis, pinigilan ito ni Talonggito.

“Sandali, a-a-anong pangalan mo?” tanong nito.

Magaan ang loob ng kamatis kay Talonggito dahil sa kababang-loob na ipinakita nito. Bagamat hindi siya ang may kasalanan, siya pa ang humingi ng paumanhin sa ginawa ng kanyang kapatid.

“Kamari. Kamari  ang ngalan ko.” Sagot naman nito.

Inilabas ni Talonggito ang singsing (na dapat sana’y para kay Okasta) at sinabi, “Kamari, will you marry me?

Nagulat si Talonglong sa pangyayaring ito. Hindi niya matanggap na sa dinami-rami ng maaaring mapili ni Talonggito upang pakasalan, isang hampas-lupang walang galang pa ang napili ng kanyang kapatid.

Nagulat din si Kamari ngunit tila ba naisip niya na biyaya ito ni Bathala sa kanya sapagkat isa siyang mahusay na mag-aaral at isa siyang gulay na marunong ipaglaban ang kanyang karapatan. Hindi nagpapadehado si Kamari at tunay na marunong gamitin ang kanyang utak sa pagpapasya.

Naluluhang sumagot si Kamari sa alok ni Talonggito, “Oo naman!”

Nagyakapan ang dalawa samantalang nagngingitngit naman sa galit si Talonglong.

Isinama ni Talonggito si Kamari sa kanilang kaharian. Ipinakilala sa kanyang mga magulang, kamag-anak at mga alipin.

“Siya ang aking mapapangasawa, mula sa Kamalandia, si Kamari!” buong pagmamalaki ni Talonggito.

Ngunit hindi makapapayag si Talonglong na si Kamari ang mapangasawa ng kanyang kapatid. Bumuo na ito ng plano upang siraan si Kamari sa buong kaharian.

Sapagkat higit na naiiba ang kaugalian sa Kamalandia at sa Kaharian ng mga gulay, ibang-iba rin ang pag-uugali ni Kamari. Hindi siya katulad ng mga dalaga sa palasyo at ito ang nakitang butas ni Talonglong upang siraan si Kamari.

Iginigiit ni Talonglong na masamang tao si Kamari. Na hindi ito marunong makisama at isa itong bastos na gulay.

Ngunit hindi naman naniniwala ang mga tao sa palasyo sa mga sinasabi ni Talonglong sapagkat nauunawaan nila na si Kamari ay hindi nila katulad. Isa siyang makabagong babae. Isang modelo na nararapat tularan at hindi kamuhian.

At dahil hindi nagtagumpay ang kahibangan ni Talonglong, muli siyang nakaisip ng paraan upang hindi matuloy ang kasal ni Talonggito at ni Kamari.

Pagsapit ng gabi, dinukot ni Talonglong si Kamari. Iginapos at nilagyan ng busal. Ibinaon niya ito sa lupa upang doo’y mabulok at mamatay.

Kinaumagahan, masayang-masaya si Talonglong sapagkat alam niyang wala na ang panggulo sa palasyo. Lumabas siya sa kanyang silid ngunit laking gulat niya nang makita niya si Kamari. Buhay na buhay at lalo pang naging mapula ang balat nito. Narinig niyang kinukwento nito sa lahat kung paano siya sinagip ni Bathala sa kamatayan.

Nang ilahad ni Talonglong ang kanyang sarili sa lahat ng tao sa palasyo, napasigaw at nagulat ang lahat sa kanyang anyo! Ang dating makinis at kulay lila niyang balat ay naging kulubot at kulay berde na! Naluha ang kanyang mga magulang ngunit ang mga gulay na ganito ang anyo ay hindi nararapat na manirahan sa palasyo. Labag man sa loob ng kanyang mga magulang, ngunit pinaalis si Talonglong sa kanilang kaharian. Nang halikan ito ng kanyang ina, natikman nito ang pait ng lasa ng balat ng kanyang panganay na anak.


Nagpakita si Bathala sa Kaharian ng mga gulay at sinabi, “Iyan ang kaparusahan sa mga gulay na nagtatangka ng masama sa kanilang kapwa! Iyan ang nararapat sa mga palalo na tulad mo at walang awa! Sa iyo magsisimula ang angkan ng mga mapapait na gulay! At ang mga tulad mo’y hindi kagigiliwan ng mga bata! Talonglong, mamumuhay ka na ngayon sa pangalang Ampalaya!”



Mula sa Malikhaing Imahinsayon ni: Danica Marie A. Arellano

No comments:

Post a Comment