Ipipikit ko na lamang siguro ang aking mga mata
Dala ng matagal na kahihintay, lumabo na yata at napagod
Ngunit ang katotohana’y sariwa pa rin sa aking alaala
Kung gaano ko hinanap at hinulma ang bawat taludtod
Tila yata unti-unti nang dumidilim ang aking tala
Pumupurol na ang lapis, nauubos na ang tinta
Ni isa’y walang nailimbang sa aking mga nilathala
Tanong sa sarili’y saan ka nga ba talaga papunta?
Kay lamig ng paligid, nakakulong dito sa isang silid
Karamay ang sarili, kausap ang mga nagkalat na aklat
Pinipigilan ang pagtulo ng mga luhang nangingilid
Kailan kaya gagaling itong aking malalim na sugat?
O, anong saya kung ito’y magakakaroon ng wakas
Lapis ay muling tatalas, tala’y magniningning nang muli
Tiyak ako na may naghihintay na panibagong bukas
Kaya’t salubingin mo ito ng buong galak at may ngiti sa labi
No comments:
Post a Comment