Marami akong kakilala at kaibigan na nagsasaya ngayong araw na 'to. Paano ba naman kasi, nakita na nila sa wakas ang mga pangalan nila sa mga pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) na ginanap noong Agosto.
Masaya ako para sa kanila, lalo na't kabilang sa mga pumasa ang matalik kong kaibigan noong 2nd year high school. Sa pagkakatanda ko, ako itong may gusto na maging isang guro ngunit anong nangyari sa pinangarap ko?
Sana naging matigas na lang pala ang ulo at puso ko nang mga panahong 'yon. Sana noong pagkakataong 'yon, inisip ko na lang ang sarili ko at hindi nakinig sa mga sabi-sabi ng kung sinu-sino. Pero hindi e, hinayaan ko silang lunurin ako; hinayaan ko silang tangayin ako. Hindi man lang ako lumaban, Hindi ko man lang pinilit lumangoy papunta sa dalampasigan.
Nagsisisi ba ko?
Oo.
Pero narito na ko ngayon, nakatayo, hawak ang kapirasong papel na bunga ng apat na taong paghihirap sa kursong hindi ko naman talaga gaanong gusto. Ngunit sabi nga nila, hindi pa naman daw huli ang lahat. Sana nga.
Sa ngayon, patuloy pa rin akong nagmumuni-muni. Sana magkaroon ako ng lakas ng loob sa susunod sa semestre upang tahakin ang isa na namang landas tungo sa karunungan; ang landas na matagal ko nang pinangarap na daanan.